-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng kampo ni Vice President Sara Duterte na kasalukuyan siyang nasa The Hague, Netherlands, kasabay ng pagpapatuloy ng ikatlong linggo ng kanyang impeachment trial sa Senado.

Ayon sa kanyang defense team, ipinaalam na sa Bise Presidente ang naging desisyon ng Senate impeachment court na magpalabas ng subpoena para sa kanyang financial records, gayundin sa records ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Sinabi ni defense team spokesperson Atty. Michael Poa na maikli lamang ang naging tugon ni Duterte sa naturang development.

“Okay, you know what to do naman,” ani Poa, na aniya’y naging direktiba ng Bise Presidente sa kanyang mga abogado.

Nauna nang inanunsiyo ng Office of the Vice President (OVP) na nasa Europa si Duterte mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31 para sa isang personal na biyahe.

Iginiit ng OVP na walang ginamit na pondo ng pamahalaan para sa naturang paglalakbay.

Ayon pa sa OVP, nakatakda ring makipagpulong ang Bise Presidente sa ilang overseas Filipinos sa kanyang pagbisita sa Europa.

Samantala, kinumpirma ng Malacañang na nabigyan si Duterte ng travel authority para sa kanyang personal na biyahe sa Qatar, Germany, United Kingdom, at Northern Ireland.Hindi ito ang unang pagbisita ni Duterte sa The Hague.

Ilang beses na rin siyang nagtungo roon matapos arestuhin at ikulong ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity.