-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ng kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga lumalabas na ulat na siya umano ang nasa likod ng planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Ombudsman Jesus Remulla.

Sa pahayag ni Atty. Joseph Frianez, abogado ng dating Pangulo, sinabi nitong walang katotohanan ang mga impormasyong kumakalat sa online platforms na nag-uugnay kay Arroyo sa umano’y hakbang laban sa Ombudsman.

Ayon kay Frianez, pawang mga gawa-gawang impormasyon at walang basehan ang naturang mga ulat, na aniya’y naglalayong magpalaganap ng maling impormasyon sa publiko.

Matatandaang naging usap-usapan sa social media at iba pang online platforms ang alegasyong si Arroyo umano ang nasa likod ng planong impeachment complaint laban kay Remulla. Gayunman, iginiit ng kanyang kampo na walang katotohanan ang naturang mga paratang at wala silang anumang kinalaman sa isyung ito.