Makikipag-ugnayan ang Kamara de Representantes sa hukuman at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) upang matiyak ang seguridad at maayos na pagharap ni Ramil Madriaga kung ito’y ipapatawag bilang testigo sa impeachment proceedings laban kay Sara Duterte.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, mahalagang maayos ang koordinasyon sapagkat kasalukuyang nakakulong si Madriaga sa isang pasilidad ng BJMP sa Taguig City kaugnay ng hiwalay na kasong kriminal.
Binigyang-diin ni Ridon na ang affidavit ni Madriaga ang itinuturing na pinakabagong mahalagang ebidensiya sa inihain na impeachment complaint. Sa nasabing salaysay, inilatag umano ang detalye ng paggalaw ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong panahon ng pamumuno ni Duterte.
Ayon sa reklamo, tinukoy ni Madriaga ang mga umano’y transaksyon at mga indibidwal na sangkot sa pagpapalabas ng pondo, na sinasabing may kaalaman ang Bise Presidente.
Gayunman, nilinaw ni Ridon na hindi pa maaaring ipatawag si Madriaga hangga’t hindi napagpapasyahan ng House Committee on Justice kung pasado ang reklamo sa sufficiency in form at sufficiency in substance.
Kapag nalampasan ang mga yugtong ito, bibigyan muna ng pagkakataon si VP Sara na magsumite ng kanyang sagot bago tuluyang simulan ang pormal na pagdinig, kung saan maaaring suriin at usisain ang mga alegasyong inilatag ni Madriaga.













