-- ADVERTISEMENT --

Handa ang House of Representatives na suportahan ang anumang supplemental budget sakaling mangailangan ang pamahalaan ng karagdagang pondo para sa pagpapauwi ng mga Pilipinong apektado ng labanan sa Middle East.

Ayon kay Pangasinan Rep. Rachael Arenas, chairperson ng House Committee on Foreign Affairs, napag-usapan na ng mga mambabatas ang posibilidad ng paglalaan ng dagdag na pondo. Aniya, nakahanda ang Kamara na tumulong hindi lamang sa pagbuo ng mga polisiya kundi pati sa paglalaan ng pondo upang matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Sinabi rin ni Arenas na sinusunod ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa, habang patuloy namang minomonitor ng Kongreso ang sitwasyon.

Nagbabala rin ang mambabatas laban sa kumakalat na mga AI-generated videos sa social media na nagdudulot ng takot at pangamba sa mga OFW at kanilang mga pamilya. Upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon, nagbukas ang pamahalaan ng libreng linya ng komunikasyon upang direktang makausap ng mga pamilya sa Pilipinas ang kanilang mga kamag-anak sa mga apektadong lugar.

Tiniyak din ng pamahalaan na nakahanda itong tumulong sa repatriation at reintegration ng mga OFW sakaling lumala pa ang krisis sa Middle East.