-- ADVERTISEMENT --

Hindi inaalis ni Sen. Erwin Tulfo ang posibilidad na ginamit bilang diversionary tactic ang naging kaguluhan sa Senado kaugnay ng umano’y paglabas ni Sen. Ronald dela Rosa mula sa gusali.

Ayon kay Tulfo, maaaring nagsilbing “smokescreen” ang insidente upang mailihis ang atensyon ng publiko at mga awtoridad habang inilalabas umano si Dela Rosa sa Senate premises.

Patuloy na pinag-uusapan ang naturang insidente matapos igiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na may naganap na pag-atake sa Senado.

Gayunman, taliwas ito sa naging ulat ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police, na nagsabing walang naitalang aktwal na pag-atake sa loob o paligid ng Senado.

Para kay Tulfo, mahirap paniwalaan na basta-basta magkakaroon ng kaguluhan sa isang lugar na kilala sa mahigpit nitong seguridad. Dahil dito, lumalakas aniya ang posibilidad na sadyang ginulo ang sitwasyon upang maialis pansamantala ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation na nakabantay sa paligid ng Senado.

Sa ganitong paraan umano maaaring nabigyan ng pagkakataon si Dela Rosa na makalabas nang hindi agad namamalayan ng mga awtoridad.