LAKE SEBU, SOUTH COTABATO – Umabot na sa dalawampu’t apat (24) na fish cage operators sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato ang apektado ng malawakang fish kill o kamahong na dulot ng pabago-bago ng panahon lalo na ang naging sunod-sunod na bagyo na tumama sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Jose Rudy Muyco, Lake warden ng Lake Sebu sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Pinakamatinding naapektuhan ng kamahong ang Barangay Poblacion, kung saan maraming isda ang namatay sa mga fish cages dahil sa biglaang pagbabago ng klima at kalidad ng tubig sa lawa.
Dagdag pa ni Muyco, nitong nakaraang linggo lamang tuluyang natapos ang epekto ng fish kill, kasabay ng tuluyang paglayo ng bagyo.
Malaki umano ang naging pinsala sa kabuhayan ng mga operator, dahilan upang ibenta na lamang agad ang mga isda kahit hindi pa ito umabot sa tamang laki upang maiwasan ang ganap na pagkalugi.
Dahil dito, nanawagan si Muyco ng agarang suporta mula sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga apektadong fish cage operators na makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.