-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot sa mahigit 500 pamilya ang apektado ng matinding pagbaha sa Purok Sampaguita, Barangay Moloy, Surallah, South Cotabato matapos ang malakas na buhos ng ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Kapitan Boyet Fulgencio, sinabi nito na bukod sa daan-daang pamilyang apektado, tinatayang 15 ektarya ng pananim ang winasak ng baha habang isang alagang kabayo rin ang inanod ng rumaragasang tubig.

Dagdag pa ni Kapitan Fulgencio, panahon na para mabigyan ng relocation site ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog upang maiwasan ang mas matinding pinsala sa mga susunod na pagkakataon.

Nanawagan din ito na kung may natitirang pondo para sa flood control project, dapat ay ipatupad din sa kanilang barangay, lalo’t hanggang ngayon ay wala pang nakalaang pondo para sa tulay sa Allah River na kritikal sa kaligtasan ng mga residente.

Samantala, tiniyak ni Surallah Mayor Pedro Matinong na magbibigay ang LGU ng paunang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha. Sinabi rin ng alkalde na isinusulong na ang pagpapatupad ng flood control project at umaasang matugunan ito sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang damage assessment sa lawak ng pinsalang iniwan ng pagbaha sa lugar.