-- ADVERTISEMENT --

“Huwag matakot tumulong! Basta tawag ng tungkulin, gagawin ang lahat!” ,ito ang pinatunayan ni Patrolman Jemuel Sawan ng 3rd Maneuver Platoon, 2nd South Cotabato Provincial Mobile Force Company matapos siyang maging abot-kamay na tagapagligtas sa oras ng panganganak.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, ikinuwento ni Sawan na naka-duty sila sa Barangay Vicente, Banga, South Cotabato nang may lumapit at humingi ng tulong dahil manganganak na ang isang babae.

Agad na kumilos ang pulis at, gamit ang kanyang kaalaman sa basic first aid training, nagsuot ng gloves at matagumpay na nadeliver ang sanggol.

Hindi rin siya nag-atubiling kumuha ng first aid supplies at mga damit o lampin upang hindi ginawin ang bagong silang na bata.

Dagdag pa ni Sawan, hindi na niya inisip ang takot sa sitwasyon, bagkus ay nakatuon ang kanyang isip sa pagtulong at sa kaligtasan ng mag-ina.

Nakatulong din ang karanasan nito sa panganganak ng kanyang Misis kaya’t naging madali ang pagtulong sa nabanggit na buntis.

Payo pa niya, sa oras ng emergency, mahalaga ang presence of mind at ang tamang pag-aanalisa ng sitwasyon upang maisalba ang buhay ng iba.

Kinilala naman ng kanyang mga kasamahan at ng mga residente ang kabayanihan ng naturang pulis na hindi lamang nagserbisyo bilang alagad ng batas, kundi naging instrumento rin ng buhay at pag-asa sa kanyang komunidad.