-- ADVERTISEMENT --

Muling pinatunayan ni Filipino mixed martial arts champion Joshua Pacio ang kanyang dominasyon sa ONE Strawweight division matapos matagumpay na maipagtanggol ang kanyang world title laban kay Russian challenger Mansur Malachiev sa ONE: The Inner Circle 21 sa Lumpinee Stadium sa Bangkok, Thailand.

Hindi na umabot sa ikalawang round ang bakbakan matapos tapusin ni Pacio ang laban sa pamamagitan ng rear-naked choke sa oras na 4:23 ng unang round. Dahil sa higpit ng submission hold, nawalan ng malay si Malachiev kaya agad na itinigil ng referee ang laban at idineklara ang Filipino champion na nagwagi sa pamamagitan ng technical submission.

Bagama’t si Malachiev ang unang nagpakita ng kontrol sa laban sa pamamagitan ng kanyang grappling at ilang submission attempts, nanatiling kalmado si Pacio at nagawang makaalpas sa alanganing sitwasyon.

Mula roon ay nabaligtad ng kampeon ang momentum, nakuha ang likuran ng Russian contender, at matagumpay na naikandado ang rear-naked choke na tuluyang nagtapos sa laban.

Ito ang ikalawang pagkakataon na tinalo ni Pacio si Malachiev. Noong una silang nagharap sa ONE Fight Night 15 noong 2023, nanaig din ang Pilipino sa pamamagitan ng unanimous decision.

Bukod sa matagumpay na depensa ng kanyang kampeonato, ginawaran din si Pacio ng US$50,000 Performance Bonus mula kay ONE Championship Chairman at CEO Chatri Sityodtong bilang pagkilala sa kanyang impresibong pagtatapos sa laban.