Isang Japanese-owned liquefied natural gas (LNG) tanker ang matagumpay na nakatawid sa Strait of Hormuz, ayon sa Mitsui O.S.K. Lines, na kauna-unahang Japan-linked vessel na nakadaan sa naturang ruta mula nang magsimula ang kaguluhan sa Iran.
Ang barko, na tinatawag na Sohar LNG, ay isang Panama-flagged ship. Ayon sa kompanya, ligtas ang lahat ng crew nito, ngunit hindi nila ibinahagi ang eksaktong oras ng pagdaan ng barko niyan o kung may isinagawang negosasyon sa pagitan ng Iran at Japan bago ito nakatawid.
Ang Strait of Hormuz ay isang mahalagang daanan ng langis at LNG sa buong mundo, at bago ang tensyon sa Iran, umaabot sa halos 20% ng global oil at gas supply ang dumaraan dito, kaya’t itinuturing itong isa sa pinakamahalagang shipping route sa mundo. Isa sa mga bansa na lubos na nakikinabang mula sa rutang ito ay ang Japan, na tinatayang 90% ng oil imports at 6% ng LNG ay dumaraan dito.
Dahil sa patuloy na digmaan sa rehiyon, nasa 45 barko mula sa Japan ang na-stranded at hindi agad makatawid, ayon sa transport ministry ng bansa. Kabilang sa mga naantalang barko ang mga oil tanker, LNG carriers, car carriers, at iba pang cargo vessels na may koneksyon sa Japan.
Samantala, may ilang barko mula sa ibang bansa tulad ng China, India, at Greece na nakatawid na rin sa Strait of Hormuz mula nang magsimula ang digmaan. Ang mga kaganapang ito ay nagpapakita ng patuloy na tensyon at panganib na dulot ng kaguluhan sa rehiyon, na may malaking epekto sa pandaigdigang kalakalan at enerhiya.












