-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Masayang ibinahagi ng magkasintahang sundalo ang kanilang love story sa Bombohanay Bigtime kasabay ng selebrasyon ng Valentine’s Day.

Ito’y matapos naging usap-usapan ang kakaibang wedding proposal habang nasa operasyon laban sa New People’s Army (NPA) sa Sultan Kudarat.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Cpl. Denemar Albani, inihayag nito na tinulungan siya ng kanyang mga kasamahan na matuloy ang wedding proposal habang nagpapahinga sila sa patrol base sa gitna ng kagubatan sa Bagumbayan.

Aminado si Albani na kabado siya at mismong ang kanilang Batallion Commander na si Lt. Col. Harold Cabunoc ng 33rd Infantry Battallion Makabayan Batallion ang kasamang nagplano.

Ngunit laking pasasalamat niya umano at matamis na OO ang sagot ng kanyang nobya.

Ayon naman kay Pvt. Christine Porcadilla, hindi niya inaasahan na magiging ganito kasaya ang kanilang love story dahil sa nag-effort ang kasintahan nito.

Lahat aniya ng pagod ay nawala at hindi niya maipaliwanag ang saya hanggang sa ngayon.

Malaki naman ang paniniwala ni Porcadilla na tadhana ang naglapit sa kanila ni Albani dahil 2014 pa umano sila nagkamabutihan ngunit nagkalabuan.

At nang pumasok na siya sa serbisyo bilang sundalo ay nagkita silang muli at nagkabalikan.

Kaugnay nito, itinakda na sa Abril 20 ngayong ang kasalan ng dalawa sa isang simbahan sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Napag-alaman na walong taon na sa serbisyo bilang Radioman si Albani habang isang taon pa lamang bilang medic si Porcadilla.

Nabatid na pareho nang napasabak sa serye ng engkuwentro kontra sa mga terorista at drug syndicates sina Porcadilla at Albani.