-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagrerehistro ng mga smuggled na sasakyan sa Region 12, kabilang ang mga sasakyang nasa ilalim pa ng encumbrance ng bangko o financing company.

Ito ay makaraang, personal na bumisita si LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao sa Soccsksargen upang pangunahan ang imbestigasyon at tiyakin ang pagpapatupad ng mga reporma sa loob ng ahensya. Binigyang-diin ni Asec. Lacanilao ang determinasyon ng LTO na paigtingin ang kampanya laban sa korapsyon at mapanatili ang integridad ng sistema ng rehistrasyon ng mga sasakyan.

Bilang agarang hakbang, iniutos ng LTO Chief ang pansamantalang paglipat ni Regional Director Norlito Tomawis sa Central Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Sinuspinde rin ang lahat ng bagong pagrerehistro ng surplus vehicles sa rehiyon hanggang matapos ang masusing beripikasyon ng mga dokumento.

Dagdag pa ng opisyal, upang mapanatili ang integridad ng proseso, ipinatigil din pansamantala ang lahat ng hiring at personnel movements sa LTO Region 12, na sumasakop sa General Santos City, South Cotabato, North Cotabato, Sultan Kudarat, at Sarangani.

Kasabay nito, nakikipagtulungan na rin ang LTO sa National Bureau of Investigation (NBI) upang masusing siyasatin ang mga kaso ng pagpupuslit ng sasakyan at iba pang ilegal na operasyon.

Isinasagawa rin ng LTO Central Office ang komprehensibong audit sa lahat ng transaksyon at rehistrasyong pinroseso sa rehiyon, kabilang ang mga sasakyang nasabat noong Hunyo.

Tiniyak din ni Asec. Lacanilao na sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, tuloy-tuloy ang hakbang ng LTO upang masugpo ang iligal na gawain, maibalik ang tiwala ng publiko, at matiyak ang patas at tamang proseso ng pagrerehistro ng mga sasakyan sa buong bansa.