Boluntaryong sumuko sa militar ang isang 22-anyos na babaeng miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) habang bitbit ang kanyang 21-araw na sanggol sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat. Kasabay ng kanyang pagsuko noong Hulyo 20, 2025, ay ang pagkakaaresto rin sa isa niyang kasamahan sa ikinasang operasyon ng tropa ng pamahalaan.
Kinilala ng militar ang nadakip na rebelde na si Domingo Cranzo, alyas “Golyat” at “Pedro,” 60-anyos, na Vice Team Leader ng Squad 2, Platoon 2, SRC Daguma, FSMR. Si Cranzo ay may kinahaharap na warrant of arrest dahil sa paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 (RA 11479) na isinampa sa Regional Trial Court Branch 1 sa Iligan City, gayundin sa kasong murder na isinampa sa korte sa Isulan, Sultan Kudarat.
Nabatid na kabilang si Cranzo sa mga nakasagupa ng militar sa engkwentrong naganap noong Hunyo 19, 2025 sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig. Dahil dito, kabilang siya sa Top 4 Most Wanted Persons ng PNP sa buong Region 12.
Samantala, si alyas “Haydie”, miyembro ng Squad 1, Platoon 2 ng parehong CTG unit, ay kusang-loob na sumuko. Ayon sa kanyang pahayag, pinili niyang talikuran ang kilusan dahil sa matinding pagod dulot ng sunud-sunod na operasyon ng militar, at higit sa lahat, dahil sa kanyang tungkulin bilang ina.
Dinala si Cranzo sa Kalamansig Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon, habang si Haydie at ang kanyang anak ay isinailalim sa medical check-up sa Lebak Hospital upang matiyak ang kanilang kalagayan.
Ayon kay Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, ang pagsuko ng isang inang rebelde na may dalang bagong silang na sanggol ay sumasalamin sa epektibong operasyon ng militar at sa humihinang paniniwala ng mga miyembro ng CTG sa armadong pakikibaka.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Maj. Gen. Gumiran sa mga natitirang kasapi ng CTG na talikuran na ang marahas na landas at magbalik-loob sa pamahalaan.