-- ADVERTISEMENT --

Arestado ang isang ina at ang kanyang 16-anyos na anak na babae matapos mabilhan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isang entrapment operation sa Barangay Poblacion 5, Cotabato City, nitong Biyernes, Agosto 8, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas Honey, 38 anyos, kasama ang kanyang menor-de-edad na anak. Kusang-loob umano silang nagpaaresto nang mapagtanto na mga pulis pala ang kanilang katransaksiyon sa droga.

Ayon kay Brig. Gen. Jaysen de Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, magkatuwang sa operasyon ang mga tauhan ng Drug Enforcement Group–Special Operations Unit 15 at iba pang yunit ng Cotabato City Police Office sa pamumuno ni Col. Jibin Bongcayao.

Naging matagumpay ang operasyon dahil sa suporta ng barangay officials at mga miyembro ng Cotabato City Peace and Order Council, na pinamumunuan ni Mayor Bruce Matabalao.

Sa ngayon, nakakulong na si alyas Ana sa police detention facility, habang ang kanyang anak ay nasa magkasanib na kustodiya ng PRO-BAR at ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City bilang menor-de-edad.