Nagpahayag ng matinding pagpuna si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte laban sa mga nasa likod ng impeachment case laban sa kaniyang kapatid na si Bise Presidente Sara Duterte, na ayon sa kanya ay may mga itinatagong motibo.
Ito’y kasunod ng deklarasyon ng House Committee on Justice na “sufficient in form and substance” ang mga ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Rep. Duterte, hindi na siya nagulat sa naging desisyon ng komite, ngunit mariin niyang binanggit na ginagamit lamang ang impeachment bilang instrumento sa pulitika, imbes na layunin nitong itaguyod ang katarungan at magsagawa ng patas na pagdinig. Pinuri rin ni Duterte si Rep. Bong Suntay sa kanyang matibay na paninindigan laban sa mga reklamo, sa kabila ng presyon mula sa mga kasamahan niyang mambabatas.
Binigyang-diin din ni Rep. Duterte ang isang babala sa 54 na mambabatas na bumoto pabor sa impeachment—na ang kanilang kapangyarihan ay pansamantala lamang, ngunit ang pananagutan sa mga mamamayan ay panghabangbuhay.
Bukod sa impeachment, binanggit din ni Rep. Duterte ang iba pang mahahalagang isyu na dapat tutukan ng Kongreso at ng administrasyon, tulad ng imbestigasyon sa umano’y trillion-pesong corruption sa flood control projects, mga alegasyon ng pamamahagi ng pondo gamit ang maleta, at ang panawagan para sa hair follicle drug test para sa lahat ng miyembro ng Kongreso at Senado, pati na rin sa “mastermind” ng impeachment at ang kaniyang pamilya.
Nagbigay siya ng babala na darating ang panahon na ang taumbayan ang maghahatol sa mga nangyayari ngayon. Sa araw na iyon, aniya, kailangan handa ang bawat isa na manindigan at managot sa kanilang mga aksyon.













