-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ni House Justice Committee Chair Gervillo Luistro na maaaring matapos at mapagdesisyunan sa loob ng dalawang buwan ang mga reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, mula sa pagsisimula ng trial proper.

Ayon kay Luistro, mag-uumpisa ang mga pagdinig kapag naisumite na ang lahat ng mga pleadings. Kasama rito ang sagot ng Bise Presidente sa loob ng 10 araw, tugon ng mga complainant sa loob ng tatlong araw, at rejoinder mula sa kampo ni Duterte na ipapasa rin sa loob ng tatlong araw.

Pagkatapos nito, ang komite ay tutukuyin kung may sapat na batayan upang ipagpatuloy ang pagdinig, kung saan maaaring mag-issue ng subpoena at mag-anyaya ng mga testigo. Sa pagtatapos ng hearing proper, boboto ang panel kung may probable cause upang iakyat ang kaso sa plenaryo. Kailangan ng boto ng hindi bababa sa 105 mambabatas upang maganap ang impeachment laban sa Bise Presidente.

Nakasaad sa mga reklamo ang umano’y “betrayal of public trust” at “culpable violation of the Constitution” na may kinalaman sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pati na rin ang mga banta laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kanyang pamilya. Ayon kay Luistro, maaari ring ituloy ang mga pagdinig kahit sa panahon ng recess upang mapabilis ang proseso.