Inamin ng Malacañang na may posibilidad na muling hindi maabot ng administrasyon ang target na gross domestic product (GDP) growth para sa kasalukuyang taon.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ilan sa mga pangunahing salik nito ang patuloy na imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects, gayundin ang sunud-sunod na pagyanig ng lindol, pagbaha, at pananalasa ng mga bagyo na nakaapekto sa ekonomiya.
Gayunman, tiniyak ni Castro na hindi ipahihinto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga imbestigasyon. Sa halip, inatasan nito ang economic team na paigtingin ang mga hakbang para sa job generation, paglago ng kita, at pagpapalakas ng sektor ng turismo upang mapasigla ang ekonomiya.
Kinumpirma rin ni Castro na natanggap at nabasa na ng Pangulo ang full-year GDP report para sa taong 2025.
Dagdag pa niya, ipinaliwanag ng economic team sa Pangulo na ang pagbagal ng ekonomiya ay dulot ng patuloy na geopolitical tensions at ng epekto ng mga isinasagawang imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects.













