KORONADAL CITY – Ipinatigil ng DENR Region 12 ang isang ilegal na treasure hunting o paghuhukay ng ginto sa Purok Bato, Barangay Landan, Polomolok.
Ayon sa ahensya, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pagmimina o paghuhukay, kahit sa loob ng pribadong lupa, kung walang kaukulang permit mula sa gobyerno.
Aksyon ng CENRO at MENRO ang nagresulta sa raid matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa naturang ilegal na aktibidad.
Agad nilang ipinatigil ang operasyon at siniguro ang lugar upang maiwasan ang anumang panganib sa kaligtasan ng mga tao at sa kapaligiran.
Depensa ng may-ari ng lupa, pinayagan niya ang operasyon dahil inakala niyang legal ito sa kanyang pag-aari.
Subalit iginiit ng DENR na kinakailangan ang permit bago magsagawa ng anumang treasure hunting o pagmimina upang masiguro na sumusunod sa batas at protektado ang kalikasan.
Sa kasalukuyan, patuloy na tinutunton ng mga awtoridad ang mga responsable sa ilegal na operasyon.
Pinayuhan din ang publiko na huwag payagan ang anumang paghuhukay o treasure hunting na walang pahintulot mula sa ahensya upang maiwasan ang pananagutan sa batas.













