-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Pinaiigting ng Provincial Security Unit o PSU ng South Cotabato ang pagtukoy at pagkilala sa mga indibidwal na nagbebenta ng paputok sa loob at paligid ng Provincial Hospital.

Ito ang inihayag ni Eleutorio Nodado, Chief ng PSU, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Nodado, mahigpit ang ipinatutupad na seguridad sa loob ng mga ospital kaya’t kahit ang mga nagbebenta ng puto o kakanin ay ipinagbabawal na pumasok, lalo na ang mga nagbebenta ng paputok na itinuturing na delikado.

Matatandaang isang babaeng vendor ang patago ang pagbebenta kamakailan, subalit nahuli ng mga guwardiya nang masita habang sinusubukang ipagbili ang ilegal na paputok sa mga pasyente at security personnel.

Ngunit sa kabila ng mahigpit na pagbabantay sa entrance ay kaduda-duda kung bakit na nakalusot ito.

Dagdag pa ni Nodado, kabilang sa mga mahigpit na ipinagbabawal na dalhin sa ospital ang mga baril at patalim, na mahigpit na binabantayan ng mga guwardiya upang maiwasan ang anumang insidente.

Sa ngayon, wala pa umanong naitatala o nare-record na mga kaso ng mga taong naputukan ng paputok sa Provincial Hospital habang papalapit ang Pasko.

Gayunman, sinabi ni Nodado na posible pa ring magkaroon ng mga kaso pagsapit ng Bagong Taon.

Nanawagan din ang PSU sa mga nagbebenta ng paputok na huwag nang pumasok sa mga ospital dahil mahigpit itong ipinagbabawal.

Sa huli, ipinasisiguro ni Nodado, maaari makasuhan ang sinuman kaya’t pinayuhan ang mga ito na manatili lamang sa mga itinalagang lugar kung saan sila pinahihintulutang mag-display at magbenta ng paputok.