-- ADVERTISEMENT --

Arestado ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng iligal na baril sa bisa ng search warrant na ipinatupad ng mga awtoridad sa Barangay Kuden, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat nitong Abril 16, 2025.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:30 ng umaga, ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Senator Ninoy Aquino Municipal Police Station, kasama ang 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company (SKPMFC), 1202nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12 (RMFB12), at Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit (SKPDEU/SKPIU), ang Search Warrant laban sa kinilalang suspek na si alyas “Noel”.

Ang warrant ay inisyu ni Hon. Ferdinand C. Tugas ng Regional Trial Court Branch 19, Isulan, Sultan Kudarat, para sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa isinagawang paghahalughog sa tahanan ng suspek, nasamsam ang isang (1) unit ng homemade 12-gauge long barrel shotgun na walang serial number at walang bala.

Hinihikayat ng Sultan Kudarat Police Provincial Office ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagsusumbong ng mga ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad. Ang kooperasyon ng mamamayan ay mahalagang bahagi ng epektibong kampanya laban sa kriminalidad.