-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga matapos makuha ng mga responder ang labi ng isang sanggol mula sa ilalim ng mga debris nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Central Luzon, narekober ang sanggol sa Quadrant 2 ng disaster site bandang 6:01 p.m. habang nagpapatuloy ang search and retrieval operations.

Sinabi ni Fire Superintendent Maria Leah Sajili, Regional Public Information Officer ng BFP-Central Luzon, na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng sanggol dahil isinasailalim pa ito sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Nauna nang may mga ulat mula sa ilang nakaligtas na posibleng may mga batang nananatili sa construction site dahil pansamantalang pinatira roon ng ilang manggagawa ang kanilang mga pamilya. Inaalam pa ng mga awtoridad kung kabilang ang sanggol sa mga residenteng pansamantalang nanirahan sa lugar.

Dahil sa pinakahuling retrieval, umakyat na sa 21 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa insidente. Kabilang sa mga biktima ang mga construction worker, isang tindero mula sa kalapit na lugar, isang turistang Malaysian na naka-check in sa katabing hotel, at iba pang naapektuhan ng trahedya.

Samantala, nagpapatuloy ang clearing at retrieval operations habang umaasa ang mga responder na matutukoy at marerekober pa ang iba pang posibleng biktimang naiwan sa ilalim ng gumuhong estruktura.