-- ADVERTISEMENT --

Ganap na pinayagan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dumalo sa nakatakdang confirmation of charges hearing kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.

Sa dokumentong may petsang Pebrero 20, 2026, sinabi ng Chamber: “Pinagbigyan ng Chamber ang kahilingan; at napagpasyahan na ang pagdinig para sa confirmation of charges ay isasagawa nang wala si G. Duterte.”

Inatasan din ng Chamber ang kampo ni Duterte, ang mga tagausig ng ICC, at ang common legal representative ng mga biktima na tukuyin kung alin sa kanilang mga isinumiteng dokumento ang maaaring ilahad sa publiko at kung alin ang dapat manatiling may redaksiyon o hindi muna isapubliko.

Ang confirmation of charges hearing ay nakatakda sa Pebrero 23, 24, 26, at 27, 2026 sa The Hague, Netherlands.

Nauna nang nagpahayag si Duterte ngayong linggo na isinusuko niya ang kanyang karapatang dumalo sa pagdinig, dahil sa kanyang edad at kalagayan sa kalusugan, gayundin dahil hindi niya kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC.