-- ADVERTISEMENT --

Hindi pinayagan ng International Criminal Court (ICC) ang personal na pagbisita kay dating Pangulong Rodrigo Duterte habang isinasagawa ang apat na araw na pre-trial “confirmation of charges” hearings laban sa kanya.

Ayon sa pamilya Duterte, tanging pakikipag-usap sa telepono lamang ang pinahintulutan ng ICC.

Samantala, kumpirmadong anim na abogado ang dadalo sa pagdinig upang matiyak na maayos na maipapresenta ang depensa ng dating Pangulo. Kabilang sa mga ito sina Atty. Salvador Medialdea, Atty. Martin Delgra III, Atty. Silvestre Bello III, Atty. Alfredo Lim Jr., Atty. Caesar Dulay, at Atty. Salvador Panelo.

Nagpasalamat naman ang pamilya Duterte sa legal team ng dating Pangulo para sa patuloy na serbisyo, gayundin sa Filipino community sa The Hague na patuloy na nagpapakita ng suporta at malasakit.

Nakatakdang isagawa ang confirmation of charges hearings mula Pebrero 23 hanggang 27. Batay sa website ng ICC, magsisimula ang pagdinig alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa The Hague, at alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi naman sa oras ng Pilipinas.