-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing na isang makasaysayang kaganapan ng Ret. Judge Lorenzo Balo ang kasong hinaharap ni Former President Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.

Ayon sa kaniya, ito ang kauna-unahang kaso laban sa isang dating pangulo ng Pilipinas at may malaking kahalagahan sa mga Pilipino, lalo na sa Mindanao. Ipinaliwanag ni Ret. Judge Balo sa panayam sa Bombo Radyo Koronadal na makasaysayan ang proseso dahil si Duterte ang unang Asyano na dinala sa ICC upang harapin ang crimes against humanity.

Binigyang-diin niya na ito ay isang pribilehiyo para sa mga Pilipino na masaksihan ang ganitong kasaysayang kaganapan. Ipinaliwanag din niya ang proseso ng ICC sa confirmation of charges, na katumbas ng preliminary investigation sa lokal na korte.

Sa ICC, tatlong hukom ang nagsusuri kung may “substantial grounds” para ituloy ang kaso.

Ayon kay Balo, nararapat na sumailalim si Duterte sa trial upang malinawan kung may sala o wala ang lahat ng akusasyon laban sa kaniya.

Hinikayat din ng dating hukom ang parehong pro at anti-Duterte na maging open-minded at positibo, at ipangibabaw ang kapakanan ng mga Pilipino sa kanilang paghusga.

Aniya, mahalaga na ang pambansang interes ang pangunahing priority sa kabila ng matinding opinyon o panig ng bawat isa.

Para sa mga taga-Mindanao, mahalaga ang ganitong perspektibo dahil nakikita nila ang epekto ng katarungan sa pambansang antas at kung paano nauugnay ang proseso sa prinsipyo ng due process na ipinapatupad sa buong mundo.