-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senador Erwin Tulfo na tuluyan nang buwagin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa halip ay bigyang-puhunan ang mga benepisyaryo upang makapagsimula ng sariling kabuhayan.

Ayon kay Tulfo, mas makabubuting gamitin ang pondo ng programa para sa pagnenegosyo ng mga benepisyaryo, kaysa sa patuloy na pagbibigay ng buwanang ayuda na aniya’y mistulang “paglilimos” na lamang. Ibinahagi rin niya na mismong ilang miyembro ng 4Ps ang nagpahayag ng kagustuhang magkaroon ng mas makabuluhang oportunidad nang siya’y nanungkulan bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2022.

Kabilang sa mga mungkahi niya ang pagbibigay ng sapat na pondo para makapagsimula ng mga sari-sari store, karinderya, o online selling ang mga dating benepisyaryo ng 4Ps.

Bilang chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, isusulong ni Tulfo ang ideyang ito sa nalalapit na pagpupulong kasama sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DSWD Secretary Rex Gatchalian. Giit niya, kailangang rebyuhin ang paraan ng pagsugpo sa kahirapan sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.

Binigyang-diin din ni Tulfo ang umano’y hindi patas na sistema ng 4Ps. Aniya, maraming manggagawang mababa ang sahod gaya ng security guards, janitors, at kasambahay ang hindi kwalipikado sa programa kahit pa kapos din sila sa pang-araw-araw.

Inihayag ng senador ang kahandaang talakayin ang posibleng pag-amyenda sa Republic Act No. 11310—ang batas na nag-institusyonalisa sa 4Ps upang tugunan ang mga isyung lumilitaw sa implementasyon ng programa.