-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng dalawang taong gulang na biktima ng karumal-dumal na krimen noong Agosto 19, 2025 malapit sa isang daycare center sa Barangay Buluan, Pigcawayan, North Cotabato.

Ito ay makaraang, mahigit isang buwan na ang lumipas, ngunit hindi pa rin nabibigyan ng katarungan ang brutal na pagkamatay ng biktima.

Matatandaan na, nawala sa loob ng daycare center ang biktima bago natagpuang wala nang buhay sa isang swimming pool na hindi kalayuan sa lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na unang napaulat na nalunod umano ang bata, batay sa Facebook post ng kanyang ina.

Ngunit pinabulaanan ito ng autopsy report na nagsabing asphyxia by smothering ang sanhi ng kanyang pagkamatay na nangangahulugang sinadya itong patayin sa pamamagitan ng pagtakip sa ilong at bibig.

Dagdag pa rito, lumabas na may palatandaan din ng panggagahasa sa bata.

Inihayag ni Pigcawayan PNP Chief Major Mark John Mutlah, na tatlong persons of interest ang patuloy na tinututukan ng kanilang imbestigasyon.

Ipinaliwanag din niyang hindi napansin ng daycare teacher ang pagkawala ng biktima noong araw na iyon dahil abala umano sila sa feeding program. Laking gulat na lamang ng mga guro at residente nang matagpuan ang bangkay ng bata sa swimming pool.

Sa ngayon, nagsagawa muli ng follow-up investigation ang Pigcawayan PNP at nakipagpulong sa mga opisyal ng barangay upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang sa kaso.

Samantala, nananawagan ang pamilya nito, kasama ng mga opisyal ng barangay, na agarang mabigyan ng hustisya ang inosenteng biktima at mapanagot ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.