-- ADVERTISEMENT --

Nagpasya ang House Committee on Justice na may sapat na batayan ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isinagawang botohan, 54 na miyembro ang bumoto pabor, isa ang tumutol, at walang nag-abstain. Tanging si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay ang bumoto ng “no.”

Dahil dito, uusad sa mas masusing pagdinig ang mga reklamong kinabibilangan ng umano’y plunder, graft at korupsiyon, maling paggamit ng pondo, at banta sa pagpaslang laban sa bise presidente.

Sa kabila nito, hindi dumalo si Duterte sa pagdinig at sa halip ay naghain ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Ayon kay Duterte, inuulit umano ng Kamara ang estratehiyang ginamit laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, kung saan may mga testigong aniya’y may gawa-gawang mga salaysay. Iginiit niya na si Madriaga—na nahaharap sa kasong kidnapping—ay nagpakilalang campaign supporter bago lumutang bilang testigo sa impeachment complaint.

Matatandaang nagsumite si Madriaga ng affidavit na nagsasabing pinondohan umano ng mga drug dealer at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang kampanya ni Duterte. Ang kanyang sinumpaang salaysay ay kabilang sa mga dokumentong kalakip ng impeachment complaints.

Binigyang-diin ng bise presidente na hindi aniya dapat malinlang ang publiko ng mga imbentong kwento.