Inaprubahan ng House of Representatives nitong Martes ang House Bill No. 8042, o ang National Food Security Day Act, na nagtatakda ng Oktubre 16 bilang taunang pag-alala sa kahalagahan ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand “Sandro” Marcos, inaprubahan ang panukala ng 248 na boto pabor, wala ni isang negatibo, at isang abstensyon. Binanggit ng Majority Leader na ang mabilis na pag-apruba ng panukala ay isang patunay ng disiplinadong pagtatrabaho ng mga miyembro ng Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na layong protektahan ang pamilyang Pilipino at palakasin ang sistema ng pagkain ng bansa.
Ang layunin ng panukala ay patuloy na mapanatili sa agenda ng gobyerno ang laban kontra sa gutom at mataas na presyo ng pagkain, mula sa produksyon sa mga sakahan hanggang sa tamang nutrisyon at pagbawas ng pag-aaksaya ng pagkain.
Itatalaga ang Department of Agriculture (DA) bilang lead agency sa taunang pagdiriwang, katuwang ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), National Nutrition Council (NNC), at iba pang ahensya, upang maabot ang mga paaralan, komunidad, at iba pang mga stakeholder sa food system.
Ang mga programa at kampanya na itataguyod ay magpapalawak sa mga isyu ng seguridad sa pagkain, sariling produksyon, sustenableng agrikultura, nutrisyon, at pagpapahalaga sa mga magsasaka at mangingisda. Ayon sa panukala, kinakailangan ng Department of Agriculture na maglabas ng mga implementing rules at regulations (IRR) sa loob ng 60 araw mula sa pagpapatupad ng batas.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, inaasahang mapapalakas ang food security at matutugunan ang mga pangunahing hamon sa sektor ng agrikultura at nutrisyon sa bansa.













