Ipinagmalaki ni House Majority Leader Sandro Marcos ang pagpasa ng Kamara sa 18 LEDAC priority measures bago ang Holy Week break.
Ayon kay Marcos, ang magandang track record ng Kamara sa LEDAC ay patunay na hindi hadlang ang masikip na session calendar sa pagsusulong ng mga repormang pang-ekonomiya, serbisyo publiko, at proteksyong panlipunan.
Binigyang-diin niya: “Masigasig ang inyong Kamara sa pagpasa ng mga prayoridad na panukala ng administrasyon,” at ipinagmalaki ang mga tagumpay na nakamit sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Bojie Dy III.
Pinuri rin niya ang agarang pagpasa sa panukalang batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na bawasan o isuspinde ang excise tax sa petroleum products.
Aniya, ito ang kailangan ng taumbayan para sa “immediate relief” laban sa mataas na presyo ng gasolina na nagdudulot din ng pagtaas ng gastos sa transportasyon at pangunahing bilihin.
Paliwanag ni Marcos, ang mga naipasang batas ay hindi lamang bilang, kundi patunay ng isang working House kung saan mabilis na tumatakbo ang makinarya para sa kapakanan ng bayan.
Idinagdag pa ng Majority Leader na ang Holy Week break ay isang “pause” lamang at hindi nangangahulugang pagbagal ng kanilang layunin.
Sa 18 naipasa, pinaka-abante ang pagpapaliban ng BARMM Elections, na tapos na sa bicameral stage, habang ang National Center for Geriatric Health ay kasalukuyang isinasapinal.













