-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umaabot sa walong Purok sa Barangay Poblacion, Tantangan, South Cotabato ang lubos na naapektuhan ng matinding pagbaha, kung saan mahigit 800 pamilya ang apektado.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ginang Fidelia Vicente Bartolome, residente ng lugar, emosyonal nitong isinalaysay ang paulit-ulit na pagbaha tuwing bumubuhos ang malakas na ulan. Ayon sa kanya, mababa ang kanilang lugar at dahil sa mababaw at makitid na kanal, palaging umaapaw ang tubig-baha at pumapasok sa kanilang mga tahanan. Minsan pa aniya ay umaabot hanggang bintana ang taas ng tubig.

Dagdag pa ni Ginang Bartolome, matagal nang problema ang kawalan ng maayos na daluyan ng tubig at flood control project na sana’y matagal nang natugunan. Mangiyak-ngiyak din itong humihingi ng tulong sa LGU Tantangan, dahil wala umano silang ibang mapuntahan kahit delikado na ang kanilang sitwasyon.

Samantala, ayon kay Kapitan Edwin Cueva ng Barangay Poblacion, sanhi ng pagbaha ang pag-apaw ng tubig mula sa creek at dam matapos bumara ang isang malaking puno sa daluyan. Dahil sa taas ng baha, ipinag-utos na rin ang suspensyon ng klase sa mga apektadong pamilya upang bigyan sila ng panahon na makapaglinis at makabangon mula sa pinsala.

Aminado si Kap. Cueva na hindi kayang tugunan ng barangay lamang ang sitwasyon kaya’t humihingi sila ng tulong mula sa munisipyo at probinsya. Naipaabot na rin aniya ang problema sa DPWH, at nakumpirma na may inilaan nang pondo para sa isang flood control project na nakikitang solusyon upang magkaroon ng tamang daanan ang tubig-baha.

Sa ngayon, nakatanggap na ng inisyal na ayuda ang mga apektadong pamilya, habang nagpapatuloy ang panawagan ng mga opisyal sa lahat ng residente na maging alerto at mag-ingat sakaling muling bumuhos ang malakas na ulan.