-- ADVERTISEMENT --

Sa kasagsagan ng paggunita ng Biyernes Santo nitong Abril 3, inasistehan ng Philippine Red Cross (PRC) ang 6,208 indibidwal sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang bahagi ng kanilang pag-monitor at pagtulong sa kaligtasan ng mga deboto at naglalakbay. Ayon sa pinakahuling ulat ng PRC kaninang alas-singko ng hapon, karamihan sa mga kaso, o 5,682 indibidwal, ay sumailalim sa pagsusuri ng vital signs at blood pressure monitoring.

Bilang bahagi ng kanilang pagtugon, inasistehan din ng PRC ang 498 minor injuries at 22 major medical emergencies. Ang PRC ay mayroong 1,405 staff at volunteers na naka-deploy sa mga pangunahing lugar tulad ng mga pilgrimage sites, transport hubs, at major highways upang magbigay ng agarang tulong.

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao sa buong Semana Santa, naka-high alert ang 73 ambulances, 341 First Aid Stations, 63 Welfare Desks, at 75 Foot Patrols. Mayroon ding specialized units na nakatalaga, kabilang na ang mobile clinics at rescue boats, upang magbigay ng suporta sa anumang uri ng emergency.

Ang PRC ay patuloy na nagmamatyag at nagsasagawa ng mga hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga tao sa panahon ng Semana Santa at mapanatili ang kanilang kaligtasan habang nagdiriwang.