Nalubog sa tubig baha ang mga pamamahay sa bahagi ng Old Market, Barangay Poblacion Dalican sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte dahil sa matinding pagbaha ngayong araw.
Ayon kay MDRRMO Monesa Ayao Sale, agad na nagsagawa ng rapid assessment ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at lokal na pamahalaan kasama si Councilor Sophia Abas upang alamin ang lawak ng pinsala at sitwasyon ng mga apektadong residente.
Sa mga larawang kuha mula sa LGU at MDRRMO, makikitang abot hanggang tuhod ang baha sa ilang lugar.
Batay sa datos ng MDRRMO, mahigit 400 pamilya ang apektado sa Barangay Poblacion Dalican, habang higit 100 pamilya naman ang nakaranas ng pagbaha sa Barangay Sibuto.
Patuloy na nagsasagawa ng damage assessment ang lokal na pamahalaan upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala at matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.