Umakyat na sa 31 ang bilang ng mga bangkay na narekober kaugnay sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Basilan.
Dalawa sa mga bangkay ay hindi pa nakikilala matapos na matagpuan ng mga mangingisda sa karagatan ng Baluk-Baluk sa Hadji Muhtammad nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa pahayag ng Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ihahatid ang mga ito sa Zamboanga City upang matukoy ang pagkakakilanlan.
Sa ika-limang araw mula nang mangyari ang aksidente, muling nagsagawa ng pagsisid ang mga technical divers ng Philippine Coast Guard (PCG).
Samantala, sa naunang 11 bangkay na narekober kahapon sa nagpapatuloy na search operations, siyam (9) ang naibalik na sa kanilang mga pamilya.
Apat sa mga ito ang inihatid patungong Sulu, habang lima naman ang dinala sa iba’t ibang lugar sa tulong ng PCG. Dalawa pang bangkay ang nananatiling hindi pa nakukuha ng kanilang mga kaanak.
Nagpahayag rin ng pakikiramay ang PCG sa mga pamilyang naiwan ng mga nasawi.
Patuloy ang search and recovery operations upang masiguro na maibalik sa pamilya ang lahat ng nawawala.













