KALAMANSIG, SULTAN KUDARAT – Umabot na sa 2,179 na pagyanig mula sa mahina hanggang may katamtamang lakas na pagyaniig ang naitala sa dagat sa bahagi ng Kalamansig, Sultan Kudarat, mula alas 10:52 ng gabi ng Enero 19, 2026 hanggang alas 4 ng hapon ng Enero 29, 2026, ayon kay Beverly Anne Santos, Information Officer 2 ng Office of the Civil Defense Region XII, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Aniya, wala pang inilabas na tsunami advisory ang Office of the Civil Defense Region XII at wala rin namang naitalang malubhang pinsala sa mga apektadong lugar sa rehiyon.
Dagdag pa ni Santos, kasalukuyang tinataya ng kanilang tanggapan ang kabuuang bilang ng mga pamilyang lumikas sa mga bayan ng Kalamansig, Palimbang, at Lebak, na pinaka-apektado ng mga pagyanig.
Muling nanawagan si Santos sa publiko na iwasang mag-panic, ipraktis agad ang “duck, cover, and hold” sa oras ng lindol, at lumayo sa dagat kung may posibilidad ng pagtaas ng tubig o tsunami.













