-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Ikinabahala ng Koronadal City Health Office ang naitalang 119 kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa lungsod, kaya’t muling nagpaalala ito sa mga magulang na maging mapagmatyag at pangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga anak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mylene Seliote, Health Education and Promotion Officer III ng City Health Office, ipinaliwanag niyang ang HFMD ay isang lubhang nakakahawang sakit na maaaring makuha sa direktang kontak sa taong o hayop na may impeksyon.

Kabilang sa mga sintomas ang lesyon o pantal sa kamay, paa, at paligid ng bibig ng bata. Kapag may napansing ganitong sintomas, agad na dalhin sa pinakamalapit na health center para sa tamang konsultasyon at gamutan.

Pinaalalahanan din ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay, lalo na ang mga bata. Isa sa mga natural na paraan na binanggit ni Seliote ay ang paggamit ng pinakuluang dahon ng bayabas bilang panlinis, ngunit tiyaking malinis at tuyo ang kamay pagkatapos gamitin ito.

Ayon sa City Health Office, ang mga bata ang pinaka-apektado ng naturang sakit kaya’t mas mahalaga ngayon ang mahigpit na pagpapanatili ng kalinisan sa katawan at kapaligiran.

Una rito, kumalat ang post ng isang netizen kaugnay sa mga anak nitong nagkaroon umano ng nabanggit na sakit matapos na naglaro sa Inflatable playground sa Rizal Park noong kasagsagan ng T’nalak festival na mahigpit naman na itinanggi ng City Health Office.