KORONADAL CITY – Nakakulong na ngayon ang isang high-value target matapos mahulihan ng mahigit ₱1.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Koronadal City, South Cotabato.
Sa bisa ng pinaigting na Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations o SACLEO, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 12 ang suspek na kinilala sa alyas na “Nando,” 36 anyos, residente ng Barangay Sta. Cruz, Koronadal City.
Itinuturing ang suspek bilang high-value individual na sangkot umano sa kalakalan ng ilegal na droga sa lugar.
Narekober mula sa kanya ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 175.03 gramo, na may tinatayang halagang ₱1.19 milyon, batay sa National Standard Drug Price, kasama ang ₱500 marked money na ginamit sa transaksiyon.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Koronadal City Police Station, katuwang ang Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit, at 1st South Cotabato Provincial Mobile Force Company, sa koordinasyon ng PDEA Region 12.
Ayon kay PBGEN Arnold P. Ardiente, Regional Director ng PRO-12, ang pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng walang humpay na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga upang mapanatiling ligtas at payapa ang mga komunidad sa SOCCSKSARGEN region.
Ang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Koronadal City Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.