Binigyang-diin ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte ay mahigpit na nakabatay sa mga tamang proseso at matibay na ebidensya.
Ayon kay Ridon, miyembro ng House Committee on Justice, handa ang Kamara na ipagtanggol ang kanilang proseso sa isang patas at legal na paraan sakaling ipagpilitan ng kampo ng Bise Presidente na isampa ito sa Korte Suprema.
Pinabulaanan ni Ridon ang mga akusasyong ang mga reklamo laban kay Duterte ay base lamang sa mga haka-haka. Binanggit niya ang mga konkretong ebidensya tulad ng ulat mula sa Commission on Audit (COA) ukol sa P70 milyong disallowed confidential funds, pati na rin ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Ayon sa mambabatas, kinakailangang maipaliwanag ang pagkakaiba ng tinatayang P30-P40 milyong kabuuang sahod ng Bise Presidente mula 2007 hanggang 2024 kumpara sa iniulat nitong P88 milyong net worth noong 2025.
Tiniyak ni Ridon na sinusunod ang due process at binibigyan ng pagkakataon ang Bise Presidente na magpaliwanag sa bawat hakbang ng pagdinig.
Nakatakdang magpatuloy ang Komite sa pagsusuri ng mga dokumento at rekord upang matukoy kung may sapat na “probable cause” para ituloy ang impeachment.













