Umabot na sa 69 ang bilang ng mga nasawi matapos ang malakas na 6.9 magnitude na lindol na tumama sa isla ng Cebu nitong Martes ng gabi.
Ayon sa disaster officials, posibleng tumaas pa ang naturang bilang habang nagpapatuloy ang retrieval at rescue operations sa mga gumuhong gusali, kabilang na ang isang sports complex sa bayan ng San Remigio kung saan ilan sa mga residente ang nasawi at mayroon pang naiulat na na-trap.
Ang pagyanig, na itinuturing na isa sa pinakamalakas sa nakalipas na sampung taon, ay nagdulot ng pagkawala ng kuryente, pagkasira ng imprastraktura, at pag-collapse ng mga kabahayan sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Cebu.
Kasabay nito, personal na pinangunahan ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at local disaster units upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga apektadong lugar. Nagbigay siya ng utos na unahin ang search and rescue, kasunod ang relief distribution at paglalagay ng mga evacuation centers para sa mga nawalan ng tirahan.
Puspusan ngayon ang pagtutulungan ng mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, pulisya, militar, at lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng operasyon. Tiniyak din ng pambansang pamahalaan ang pagbibigay ng relief goods, medikal na tulong, at pansamantalang matutuluyan para sa mga naapektuhan.
Nagpaalala rin ang mga eksperto na manatiling mapagmatyag sa mga posibleng aftershocks na maaaring magdulot pa ng karagdagang pinsala.