Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang halos 50 mga indibidwal na naaresto ng mga otoridad sa inilunsad na law enforcement operation sa Barangay Pimbalakan,Mamasapano, Maguindanao del Sur. Ayon kay Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID, Philippine Army, ang mga naaresto na mga indibidwal ay kasapi ng magkaaway na armadong grupo nina Badrudin Inda at Zainudin Kiaro sa Barangay Pimbalakan at Tukanalipao sa nabanggit na bayan.
Nagdudulot umano ng takot sa mga lokal na residente ang presensya ng mga ito dahil sa kabila ng series of dialogue ay patuloy na nag-aaway ang mga ito at nagpapalitan ng putok. Dahil sa hindi maawat na conflicto sa pagitan ng dalawang grupo ay pumagitna na ang kapulisan at mga sundalo sa lugar.
Agad na naglunsad ng joint operation nag AFP at PNP kasama ang mga opisyal sa lugar at tuluyang narekober ang mga loose firearms na tinatago ng dalawang magkaaway na grupo.
Ayon kay Orbon, isinagawa ang nasabing operasyon upang protektahan ang mga sibilyan at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.
Kasabay nito nanawagan naman ang mga otoridad sa mga residente sa lugar na isuko na ang kanilang mga baril gayundin sa mga armado at local terrorist group na bumalik loob sa gobyerno upang makapamuhay ng matiwasay kasama ang kani-kanilang pamilya.