ESPERANZA, SULTAN KUDARAT– Umabot sa halos 200 pamilya ang naapektuhan sa pananalasa ng flash flood at landslide sa bahagi ng Esperanza, Sultan Kudarat. Ito ang kinumpirma ni Jorie Mae Balmediano, Office of the Civil Defence Region 12 information officer sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, sa nasabing bilang ng mga apektado ay pitong (7) pamilya na lamang ngayon ang nanatili sa evacuation centers matapos na wala na silang babalikan dahil nawasak ng baha at halos tabunan ng lupa dulot nga landslide ang bahay ng mga ito.
Kabilang sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad ay ang Sitio Lifi-Lifian, Sitio Kuhanen at Purok Everlasting sa Barangay Pamantingan sa nabanggit na bayan.
Maliban sa mga bahay, inanod din ng baha ang mga pananim, alagang hayop at pangkabuhayan ng mga residente sa lugar. Sa ngayon,naghahanap ng ibang mas ligtas na lugar na malilipatan ng mga pamilya matapos e-rekomenda na mailikas ang mga ito dahil sa delikadong sitwasyon ng mga ito sakaling bumuhos muli ang malakas na ulan.
Nakatanggap na ng inisyal na tulong mula sa LGU Esperanza at provincial government ng Sultan Kudarat ang mga apektadong pamilya. Kabilang sa mga ipinamahagi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer o PDRRMO Sultan Kudarat ay ang mga banig, kumot, unan, mosquito net, malinis na tubig at pagkain.
Samantala, nananatili ring naka-alerto ang MDRRMO, Quick Response Team ng PDRRMO at iba pang mga ahensya para sa pagtugon sa lugar kung kinakailangan ang agarang tulong ng mga natitirang residente. Matandaan na nakaranas ng malakas na pag-ulan ang bayan na siyang dahilan ng landslide at baha sa ilang mga barangay ng Esperanza, Sultan Kudarat.
Nanawagan din ito na, maging handa, maging alerto at mag-save ng mga emergency hotlines upang malaman ang tatawagan sa panahon ng kalamidad.