Halos 20 dating rebelde ang boluntaryong sumuko sa pamahalaan sa South Cotabato bitbit ang kanilang mga high-powered firearms nitong Lunes, Oktubre 27, 2025.
Ayon kay Governor Reynaldo S. Tamayo Jr., ang pagsuko ng mga dating rebelde ay bunga ng tuloy-tuloy na operasyon at kampanya ng 38th Infantry Battalion (38IB) upang mahikayat silang magbalik-loob sa gobyerno at mamuhay nang mapayapa.
Kabilang sa mga isinukong armas ang M1 Garand rifles, M2 carbines, M653 rifles, improvised M16 rifles, homemade M79 grenade launchers, at 7.62mm rifles.
Pinasalamatan ng gobernador ang mga rebelde sa kanilang desisyon na itigil ang armadong pakikibaka at isuko ang kanilang mga baril upang hindi na magamit sa karahasan.
Tiniyak din ni Governor Tamayo ang patuloy na tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga Former Rebels (FRs) at Former Violent Extremists (FVEs) sa pamamagitan ng livelihood assistance, edukasyon, at skills training programs bilang bahagi ng kanilang reintegrasyon sa komunidad.
Muli namang nanawagan ang gobernador sa mga natitirang rebelde na magbalik-loob na sa gobyerno upang makapagsimula ng bagong buhay na payapa at ligtas.











