-- ADVERTISEMENT --

Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng baril, bala, at hinihinalang ilegal na droga sa isang checkpoint operation sa Barangay New Cebu, Lambayong, Sultan Kudarat.

Kinilala ang suspek na si alias “Nor,” 22 taong gulang, isang land guard sa isang plantation at residente ng Barangay Caridad, Lambayong.

Base sa ulat ng Lambayong Municipal Police Station, nagsasagawa ng spot checkpoint ang pinagsanib na pwersa ng Lambayong MPS, 23rd Mechanized Company ng Philippine Army, at Barangay Force Multiplier nang parahin ang isang itim na Bajaj motorcycle na walang plaka. Nabigong makapagpakita ng kaukulang dokumento ang drayber, kaya’t isinailalim ito sa inspeksyon.

Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang isang cal. .45 na baril, tatlong magasin, 16 bala, limang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 0.5 gramo at tinatayang halagang Php3,400, drug paraphernalia, at iba pang personal na gamit.

Agad na binasa sa suspek ang kanyang karapatang legal at dinala sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.