Mariing kinondena ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang brutal na pamamaril na ikinasawi ng isang guro sa Balabagan, Lanao del Sur, at nananawagan ngayon ng agarang hustisya at masusing imbestigasyon.
Kinilala ang biktima na si Danilo Barba, 34-anyos, guro ng Balabagan Trade School at residente ng Trento, Agusan del Sur.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PRO BAR, binaril ng hindi pa nakikilalang mga lalaking sakay ng motorsiklo si Barba habang naglalakad sa labas ng paaralan, sa bahagi ng Barangay Narra, pasado alas-8 ng umaga nitong Lunes.
Narekober ng mga imbestigador sa crime scene ang isang basyo ng caliber .45 pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Ayon sa mga nakakita ng krimen, mabilis ang insidente at agad tumakas ang mga salarin, dahilan upang hindi sila mamukhaan o mapigilan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. Samantala, nananawagan ang MBHTE at mga kasamahan ng biktima na papanagutin ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.