Ipinahayag ng isang grupo ng mga negosyante ang kanilang suporta sa mga planong tax reforms ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na layong palakasin ang pangongolekta ng buwis at pagtibayin ang tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa.
Ayon sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII), makatutulong ang muling pagpapatupad ng mga audit ng BIR upang mapalakas ang kumpiyansa ng mga lokal at dayuhang investors.
Sinabi ni FFCCCII President Victor Lim na may tiwala sila sa mga repormang isinusulong ng pamahalaan sa pangunguna ni Finance Secretary Frederick Go.
Kabilang sa mga sinusuportahang hakbang ang pagpapatuloy ng mga BIR audit matapos pansamantalang isuspinde ang pag-isyu ng Letter of Authority (LOA) noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ang LOA ang nagbibigay ng pahintulot sa BIR upang magsagawa ng pagsusuri at pag-audit sa mga libro at rekord ng mga nagbabayad ng buwis.
Dagdag pa ng grupo, ang mga naturang reporma ay inaasahang magpapalakas pa sa transparency at pananagutan sa sistema ng pagbubuwis, na mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan at suportahan ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.













