-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni Marfenio Tan, isang fishing magnate sa lungsod ng General Santos na grupo ng mga golfer, negosyante, at ilang scuba divers ang mga sakay sa motorbanca na “Amejara” na nalunod sa karagatan na bahagi ngSarangani, Davao Occidental.

Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo, ibinahagi ni Tan na si Christopher Bulig lamang ang nailigtas matapos mapansin ng mga mangingisda sa Balut Island.

Ayon kay Bulig, ang survivor, noong Biyernes, Enero 16, 2026, bandang alas-5:00 ng hapon, nakaranas sila ng malalaking alon ngunit nagpatuloy pa rin sa kanilang paglayag.

Pagdating ng alas-4:00 ng madaling araw noong Enero 17, biglang natiklop ang motorbanca, dahilan upang matapon ang mga sakay at nagtulungan sa pag-akyat sa second deck hanggang tuluyang nalunod ang sasakyan.

Mula sa grupong may hawak ng lubid, sina Bulig at Herwin Tan ang nakahiwalay at lumangoy upang makaligtas.

Inihayag ni Tan na sumakay ang grupo sa bangka para sa recreational fishing, ngunit delikado ang maglayag sa open seas dahil hindi matiyak ang biglaang malalaking alon.

Wala rin silang kasamang guide sa kanilang paglayag, at ang kapitan ng motorbanca ay hindi pamilyar sa kondisyon ng dagat sa Davao Occidental.

Kaugnay nito, panawagan ni Tan sa anumang recreational vessel na kinakailangang kumuha ng clearance o permit mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) bago maglayag upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.