-- ADVERTISEMENT --

Nahuli na ang isang person of interest na sangkot sa pagpapasabog ng granada sa patrol car ng Kabacan Municipal Police Station sa Barangay Osias, Kabacan, Cotabato, bandang alas-10:00 ng gabi noong Pebrero 21, 2025.

Ito ang kinumpirma ni P/Lt. James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office at Deputy Chief ng Kabacan MPS, sa panayam sa Bombo Radyo Koronadal.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa insidente.

Ayon kay Caang, ang suspek ay isang dating preso at miyembro ng isang carnapping group. Bukod dito, siya rin umano ay sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga sa nasabing lugar at residente ng kalapit na probinsya.

Ayon sa imbestigasyon, naobserbahan ng mga kapulisan ang isang kahina-hinalang lalaki na dumaan sa checkpoint mula sa Kayaga hanggang sa Barangay Osias, ngunit nawala ito sa kanilang paningin.

Samantala, habang pabalik ang tatlong pulis sakay ng patrol car, isang granada ang inihagis sa kanila mula sa gilid ng isang KTV bar at sumabog sa ilalim ng sasakyan.

Sa kabutihang palad, hindi nag-apoy ang patrol car kahit na natamaan ang bahagi ng tangke ng gasolina.

Walang nasugatan sa tatlong pulis, ngunit isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), na isa ring nagtitinda ng barbecue, ang nagtamo ng sugat.

Batay sa post-blast investigation ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) team, isang MK2 grenade ang ginamit sa pag-atake.

Nakitaan ng mga awtoridad na maaaring isang retaliatory attack ang motibo ng suspek dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa lugar.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng PNP sa nasabing insidente, kaya hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng suspek, ngunit nakatakdang sampahan siya ng kasong multiple attempted murder.