KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nangyaring umano’y pananakit sa isang 10-anyos na batang lalaki sa loob ng classroom nito na kinasasangkutan ng siyam (9) na mag-aaral ng Marbel 7 Central Elementary School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Nemia, lola ng biktimang si Alyas Nathan, nangyari ang insidente noong Martes sa oras ng recess habang wala sa silid-aralan ang kanilang guro.
Ayon sa kanya, kwento ng kanyang apo una niyang nakita ang kanyang mga kaklase na parang nagbubulungan hanggang sa umano’y nilapitan siya at pinagtulungang saktan.
Pag-uwi niya, humingi umano ng merienda dahil nagutom at doon na isinumbong sa kanyang Lola na masakit ang ulo nito at dalawang beses na sumuka.
Kaya’t dinala nila sa ospital at ipina-check up kung saan nakatakda itong sumailalim sa neurological assessment upang matukoy ang posibleng pinsala.
Samantala, sa panig naman ni Alver Lajera, Principal 1 ng paaralan, sinabi nitong patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang angkop na hakbang para sa mga sangkot na estudyante.
Ipinatawag na umano ang mga magulang ng sangkot na mga mag-aaral ngunit hindi pa na-settle ang problema.
Kaugnay nito, nakatakdang isailalim sa psychosocial intervention ang mga estudyante at kanilang mga magulang upang maipaliwanag ang kanilang responsibilidad at pananagutan sa nangyari.
Binanggit din ni Lajera na hindi nila tinatanggap ang ganitong uri ng karahasan, at tiniyak ng pamunuan na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang agad maaksiyunan at masolusyunan ang insidente.
Inirekomenda rin ang mas mahigpit na close supervision at regular na kampanya laban sa bullying sa classroom at sa aralin ng mga bata upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng estudyante.
Samantala, sa panig naman ni Ginang Almee, nanay ng isa sa mga sangkot na estudyante, sinabi nitong wala siyang kaalam-alam sa ginawa ng anak.
Dumipensa din umano ang anak nito na hindi siya kabilang sa mga nanakit kay alyas Nathan.
Siniguro naman ni Ginang Almee na hindi hahayaan ang anak na gagawin ang pananakit sa kapwa nito lalo na sa kanyang kaklase.
Dahil sa pangyayaring ito, ipinasiguro naman ng pamunuan ng paaralaan na sinisiguro nila ang kaligtasan ng mga estudyante kaya’t panawagan din sa mga magulang na gabayan at disiplinahin ng mabuti ang mga anak.













