KORONADAL CITY – Suportado ni Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim sa lifestyle check ang mga public officials. Sa isang pulong-balitaan, iginiit ng gobernador na wala siyang nakikitang problema sa nasabing hakbang at bukas din siya mismo na masuri.
Aniya, ang lifestyle check ay nagsisilbing paalala sa lahat ng lingkod-bayan na dapat gampanan nang tapat ang kanilang tungkulin, dahil sa huli, mananagot sila hindi lamang sa gobyerno, kundi maging sa Diyos at sa taong-bayan.
Dagdag pa ni Mangudadatu, hindi dapat matakot ang mga lokal na lider sa public scrutiny, lalo na sa mga lugar na may mataas na antas ng kahirapan.
Aniya, tungkulin ng mga halal na opisyal na ipakita na malinis at tapat ang kanilang pamamahala. Kasabay nito, nanawagan din ang gobernador na siguraduhin ng DPWH at iba pang ahensya ng gobyerno ang tamang proseso bago ipatupad ang anumang proyekto.
Dapat aniya ay may prior consent at proper coordination mula sa barangay at mga LGUs upang maiwasan ang gusot at masiguro na ang mga proyekto ay tunay na makikinabang sa mga tao.
Dagdag pa niya, hindi lamang dapat nakatutok ang imbestigasyon sa flood control projects kundi sa lahat ng programang ipinatutupad ng pamahalaan, upang masiguro na ang pondo ng bayan ay nagagamit sa tama at walang nasasayang.
Nilinaw din ni Mangudadatu na ang lifestyle check ay hindi awtomatikong nangangahulugan na may ginawang mali ang isang tao o organisasyon. Sa halip, ito ay isang mabisang paraan upang tiyakin ang malinis at maayos na serbisyo publiko.