-- ADVERTISEMENT --

Siniguro ng Department of Agriculture (DA) at Food Terminal Inc. (FTI) na may sapat na suplay ang pamahalaan para sa pagpapatuloy ng Benteng Bigas Meron (BBM) program.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., patuloy ang replenishment ng National Food Authority (NFA) sa kanilang stock upang matiyak na tuloy-tuloy ang bentahan sa mga Kadiwa Stores na bukas sa buong bansa.

Aniya, nauunawaan ng kanilang tanggapan na maaaring magdulot ng stocking anxiety ang patuloy na armed conflict sa Gitnang Silangan, lalo na sa mga bahagi ng vulnerable sector. Ngunit binigyang-diin niya na ang pagkilos dahil lamang sa pangamba o panic ay maaaring magpalala ng sitwasyon.

Dagdag pa ni Tiu Laurel, may sapat na buffer stock ang bansa, bunga ng maganda at masaganang ani ngayong taon. Hindi rin aniya kailangan mangamba ng publiko, lalo na ang mga benepisyaryo ng programa, dahil patuloy na magiging available ang pamamahagi ng bigas sa ilalim ng BBM hangga’t nakarehistro sa Benteng Bigas Registry System.

Upang maiwasan naman ang hoarding, mahigpit na ipinapatupad ng DA ang limitasyon sa pagbili ng hanggang 10 kilo ng bigas kada araw kada benepisyaryo.