-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senator Erwin Tulfo na tiyaking makikinabang ang lahat ng motorista sa planong suspensyon ng excise tax sa petrolyo na ipinatupad ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means noong Marso 11, binigyang-diin ni Tulfo ang panganib na kung diesel lamang ang saklaw ng tax relief, maraming motorista na gumagamit ng gasolina ang maiiwan. Ayon sa senador, tinatayang nasa 8.5 milyon na Pilipino ang umaasa sa kanilang motorsiklo araw-araw bilang pangunahing transportasyon papasok sa trabaho o bilang kabuhayan.

Bilang tugon, sinabi ni Usec. Karlo Adriano ng Department of Finance na isasaalang-alang ng Development Budget Coordination Committee at Department of Energy (DOE) ang mungkahi ni Tulfo upang makabuo ng mas komprehensibong rekomendasyon para sa Pangulo.

Nagbabala rin si Tulfo laban sa posibleng pamumulitika sa pamamahagi ng fuel subsidy. Aniya, hindi dapat gamitin ng mga politiko ang krisis sa presyo ng langis para sa pansariling interes, sapagkat galing sa buwis ng mamamayan ang pondo at dapat itong ipamahagi nang walang anumang interbensyon.